Posted by : Unknown Friday, September 4, 2015


Bumuhos ang matinding ulan sa kalangitan, Wari bagang nakikisama sa aking kalungkutan, Na tila sa mga panahong ako ay may kabagabagan, Ang sarap sa pakiramdam na karamay ko ang mga ulan.

Nanlalamig ang aking puso at pakiramdam, Sa tuwing naaalala kong marami ang mapagdadaanan Mga pagsubok na mahirap takasan, Kaya isinasambit na lamang sa kawalan.

Nakikita ko na ang kanyang pagdamay, Ay napakasarap na aking mataglay, Na kahit ako pa man ngayon ay lubos na nalulumbay, Mayroon sa akin payapang tumutunghay.

Na ang kanyang mga mata ay puno rin minsan, Ng mga luhang kayhirap pigilan, Ano mang sandali ay papatak ng lubusan, Upang ang sakit sa damdamin ay mabawasan.

Naninimdim ang kanyang pagsuyo, Upang maalis ang nananaganang pagsiphayo, Wari bagang sa akin ay nakikisalo, Kaya akoy nalulugod kahit isang minuto.


Ang aking pagtitig sa malamig niyang pagyakap, Nakakapanumbalik ng aking yaong sikap. Na sa madaling panahon ay akin ng matanggap, At ang kagalakan ay akin ng malasap.

Nilulunggati nitong aking kaginhawaan, Na magpasumpong na sa akin muli ng tuluyan. Nais na niyang kumawala sa rehas ng kalumbayan, Upang ako muli ay kanyang mahawakan.

Sapagkat kung minsan ang aking napapansin, Ang pagsungit ng panahon ay mahirap pigilin, Napakasama rin na ito ay hamunin, Gaya ng aking pabugso bugsong damdamin.

Kaya naman ang pagtahak ng aking saloobin , Gapangin na ang dapat na gapangin. Alisin na ang pighati at ang hapay na mithiin, Upang pumayapa na ang ganid na tuso kung lupigin.

At ang lahat ng tubig na buhos ng kalangitan, May halong ibat ibang anyo ng larawan, Sumasalamin sa akin at sa iba pa nitong natatanglawan, Ng kanyang malakas o mahinang pagsalangsang.

Sapagkat ang aking pagiisip ay napakasagana, Ang hirap ipahiwatig at ipaalam sa iba, Kung kaya sa mga panahong umuulan ng masagana, Nararamdaman kong ako'y hindi nagiisa.

Ang sarap titigan at damhin ang ulan. Ang sarap kausapin at siya ay sabihan, Ng lahat ng aking mga suliranin at karanasan, Na nais kong ibahagi ,ipasumpong at ipalarawan.

At ang mga patak na akin ngayong kapiling, Kasama ng mga lungkot at bagabag na nais ko nang lisanin, Marahan kong sinasabi na ako muna ay inyong patigilin, Na akin kayong makita at tulungan niyo akong huwag ko muna kayong damhin.

Dahil alam kong pagkatapos nitong yaong aking mga nadarama, Ay sisikat ang isang napakagandang umaga, Tititig sa akin at marahang mangangamusta, At magbibigay muli sa akin ng bagong pag-asa.


Kakailanganin ko ito upang aking ipagpatuloy pang muli, Ang aking mga nasimulang naudlot na mga minimithi, Upang sa dulo ang aking pagngiti, Ay tanda na ang kaligayahan ang aking pinipili.



-Patrick Star-

Leave a Reply

Subscribe to Posts | Subscribe to Comments

Blogger templates

Blogroll

Contributors

Powered by Blogger.

Copyright © Silent Whispers -Black Rock Shooter- Powered by Blogger - Designed by Johanes Djogan