Posted by : Unknown
Friday, August 14, 2015
Nag aanyaya ang isang tinig sa maraming mga tagapakinig,
Naghihintay ng pagsusuri sa iba't-ibang damdaming tagapakinig.
Hayaan sana ninyo na sa iba't-ibang istorya kayo ay maantig,
Upang mapukaw ang kaginhawaan sa puso, lalo na sa isip na nanlalamig.
Nais naming ihandog ang iba't-ibang larawan ng karanasan,
Na marahil ay bihira lamang kung ating mapakinggan.
Tunghayan sana ito upang masumpungan ng mainam,
Ang tunay na kwento sa likod ng isipang mapanglinlang.
Ibabahagi rito ang malawak na nalalaman,
Sa loob ng sintidong hindi madalas mailarawan.
Lahat ng paghihirap, sakit at kaginhawaan,
Sisikaping mailabas sa istorya ng dahan-dahan.
Sapagkat aming nababatid na tayo ay tao lamang,
May mga saloobing iniinda na hindi palaging ipinapaalam:
Umiiyak, nagagalit, tumatawa, nasasaktan,
Nagdurusa, naninibugho at nagdaramdam.
Iguguhit sa isip ang iba't-ibang katha.
Lahat ng damdamin ay ating itatala,
Upang maraming saloobin ay ating magunita,
Magsisilbing gabay sa ating mga paghusga.
Lahat ng alinlangan ay gagapiin,
Upang ang mga ito ay hindi na tayo pinsalain,
Kaya ang mga paglalahad na aming gagawin,
Sa ating kapakanan ay magandang simulain.
Malalalim na pag-iisip sisikaping tunguhin.
Pagdududa at takot susubukang alisin,
Upang mamulat ang tamang isipin,
At mawatas lahat ng mga suliranin.
Ang iba't-ibang mga karanasan na aming iuulat,
May iba't-ibang kulay at anyong nararapat;
At ang lahat ng mga bagay na maisusulat,
Mangaghahandog ng siphayo sa atin ng sapat.
Kung kaya naman sa ganitong mga kaparaanan,
Hayaan ninyong ikaw, ako o tayo ay magkatulong-tulungan.
Pakinggan ninyo sana lahat ng aming karanasan,
Upang kung maging magkapareho ang saloobin, kayo ay aming madamayan-
Sa paraang nalalaman ninyo na amin kayong naiintindihan,
At pagdating sa amin sana'y kayo ay gayon rin naman.
At dito magsisimula ang aming tunguhin-
Ang maglahad ng mga bulong na di dapat biruin.
Mga bulong na di natin madalas kilatisin,
Ngunit di natin batid, sa ating pagkatao ay may malaking papel din.
Ang nilulunggati nga nitong mga bulong,
Sila ay pakinggan, ang sagot ay may tanong.
Baka rin kasi hindi namamalayan, humihingi na ng tulong,
Sapagkat hindi sila makawala sa kalagayang nakakulong.
Huwag naman sanang takpan ang tainga't damdamin,
Marahan sanang pakinggan ang lahat ng mga saloobin.
Ganap naman na aming patuloy na sisikapin,
Makabahagi ng mga kwento na makabuluhang kamtin.
_ _ _ _ _ _ _ _ _ _ _ _ _ _ _ _ _ _ _ _ _ _ _ _ _ _ _ _ _ _ _ _ _ _ _ _ _ _ _ _ _ _ _ _ _ _ _ _ _ _ _




This is different.Good job!
ReplyDelete